Friday, October 01, 2004

Listahan Ni Ryan

(The following episode is from an email sent to me by my friend Domi.)

*****

When the Cultural Center of the Philippines gave the composer and musician, Ryan Cayabyab, an award for the arts, this was his acceptance speech.

Ang mga Natutunan Ko Hanggang Kahapon Bilang Isang Manunulat ng Musika:

1. Walang mangyayari kung nakatitig ka lang sa labas ng bintana habang naghihintay ng inspirasyon. Malimit na ito ay hindi dumarating.

2. Kapag mayroon ka nang naumpisahan, tapusin mo.

3. Kapag may pumansin sa nilikha mo dalawang bagay lang ang gagawin mo: una, kung ito ay pinuri, ngumiti ka; pangalawa, pag ito’y binatikos, humalakhak ka. Huwag mong pakawalan ang iyong bait. Mabuti nga’t napansin ang likha mo.

4. Lumikha ka lang ng lumikha. Tumigil ka lang pag patay ka na. Siyempre.

5. Huwag mong liliitin ang mga nilikha mo. Minsan ito ay may kapangyarihan na hindi mo matalos.

6. Sa kabilang dako naman, huwag ka nang magmalaki. Maraming mas magaling kaysa sa iyo, kung hindi ngayon, sa mga darating pang panahon.

7. Hindi sa iyo ang mga nilikha mo. Ginamit ka lang na isang daan upang maisalarawan mo ang kalagayan ng iyong kapanahunan at kapaligiran.

8. Magpasalamat ka sa mga taong nagpakita sa iyo ng daan.

9. Magpasalamat ka sa bayan mo na iyong kinalakhan.

10. Magpasalamat ka sa Diyos dahil ikaw ay humihinga at ikaw ay isang alagad ng sining!

May pahabol pang isa: Hangga’t maaari, huwag ka nang dumakdak ng dumakdak, tugtugin mo na lang.